Ang Papel ng Wika sa Pag-unlad ng Bansang Singapore at Pilipinas

Joefre Ivan Leviste
6 min readOct 24, 2020

--

(Litrato mula sa esquiremag.ph)

Ang wika ay itinuturing bilang isang mahalagang kasangkapan sa pag-unlad ng isang lipunan. At alinmang wika maging ito man ay Ingles, Filipino, Mandarin, o Latin, ay mayroong iisang layunin. Ito ay ang pagkakaroon ng pagkakaunawaan at pagkakaisa sa pagitan ng mga mamamayan ng isang bansa. Halika, at sabay nating alamin kung paano ginagamit ng Singapore at Pilipinas ang kanilang wika sa pag-unlad ng kanilang lipunan, pagkakaroon ng nasyonalismo, at literasi.

Ang Sitwasyon sa Singapore
Ang Singapore ay tinaguriang pinakamaunlad na bansa sa Timog-Silangang Asya pagdating sa ekonomiya. Ang pag-unlad na ito ay kadalasang ikinukumpara sa bilang ng kanilang populasyon, ngunit sa aking pananaw, malaki ang ginampanang tungkulin ng kanilang wika, na ginamit sa edukasyon at ang kanilang kaisipan tungo sa kanilang pag-unlad.

Mayroong apat na opisyal na wika ang Singapore: Ingles, Mandarin Chinese, Malay, at Tamil. Ito ang dahilan bakit maituturing ang Singapore bilang isang multilinggwal na bansa. Ang Ingles ang wikang ginagamit sa pagtuturo at sa trabaho. Samantala, ang Mandarin Chinese, Malay, at Tamil, ang kanilang mga sariling wika, ay ginagamit naman upang mapanatili ang identidad at kultura ng kanilang bansa.

Ayon sa lingref.com, ang Singapore ay mayroong “Bilingual Education Policy”. Nakasaad sa polisiyang ito ang paggamit sa wikang Ingles, bilang pangunahing wika sa pagtuturo ng lahat ng asignatura sa mga paaralan. Ngunit, inaasahan din na mapag-aralan ng mga estudyante ang paggamit ng kanilang sariling wika upang mapagpahusayan din nila ang paggamit nito. Ang pagkakaroon ng polisiyang ito, kaalinsabay ng magandang sistema sa kanilang edukasyon, ang dahilan sa pagtaas ng kanilang literasi at bilang ng globally competitive na mga mamamayan.

Dahil sa kanilang nais na umunlad ang kanilang ekonomiya, pinagtuunan nila ng malaking pansin ang paggamit ng wikang Ingles. Sapagkat, ang wikang Ingles ang kadalasang wikang ginagamit sa pakikipag-kalakalan sa ibang bansa. Makikita naman ang naging epekto nito sa kanila sa pamamagitan ng pagkakaroon nila ng maraming imprastraktura, mataas na Gross Domestic Product (GDP), at makabagong teknolohiya. Ngunit kalakip din nito ang problema sa kanilang pambansang identidad. Sapagkat unti-unting tumataas ang bilang ng mga mamamayan nilang nangingibang bansa at ang pagkawala ng pambansang identidad ng mamamayan sa Singapore (Tong Yee, tulad ng nabanggit ni Phang, 2014).

Ang Sitwasyon sa Pilipinas
Madami ang mga polisiyang pinatupad tungkol sa wikang pambansa dito sa Pilipinas. Isa na rito ay ang “Bilingual Language Policy”, na katulad din sa Singapore, na naglalayong paghusayin ang paggamit ng wikang Ingles at Filipino. (Tan, 2014). Ang nakalulungkot lamang isipin, ay mas napahahalagahan at pinaghuhusay ng mga mamamayan at paaralan ang paggamit ng wikang Ingles kaysa sa sariling wika. At batay sa aking karanasan, hindi gaanong nabibigyang diin ang paggamit ng ating sariling wika. Ito ay sa kadahilanang binibigyan lamang ng pansin ang wikang Filipino tuwing ginugunita ang Buwan ng Wika na kung minsan pa ay Araw ng Wika na lamang.

(Litrato mula sa philstar.com)

Isang patunay na kulang ang oras na inilalaan sa pagpapahusay ng paggamit ng Filipino, ay ang hirap na nararanasan ng ating mga kababayan sa pagsusulat gamit ang sariling wika sa kabila ng mataas na literacy rate ng ating bansa. Ang Pilipinas ang may pinakamataas na literacy rate, na umabot sa 97.95%, sa edad na 15–24 taong gulang, kumpara sa ibang mga bansang kabilang sa Timog Silangang Asya (United Nations, 2019 na binanggit ng Philstar.com, 2019). Subalit, pagdating sa pagsusulat gamit ang wikang Filipino, madami ang tila ba nalilito at hindi alam ang tamang paggamit ng mga salita at bantas. Kaya naman, gumawa ng paraan ang gobyerno upang gabayan ang mga mamamayan sa tamang paggamit ng mga salita sa Filipino.

Ang WIKApedia ay isang Facebook page na ginawa ng gobyerno, na may layuning maiwasto at masolusyunan ang problema ng mga Pilipino sa paggamit ng sariling wika (GMA NEWS, 2014). Isa itong magandang paraan upang magabayan ang mga mamamayan sa wastong gamit ng wika. At sa pamamagitan ng pagwa-wasto sa paggamit ng wika, makapagdudulot ito ng pagkakaroon ng pag-unawa at pagpapahalaga sa wika, na magbibigay daan naman sa pagkakaroon ng pag-unlad sa sarili at sa bayan.

Pagdating naman sa usaping nasyonalismo ng bansa, iyan ang isang kaisipang hindi mawawala sa mga Pilipino, ang pagmamahal sa kapwa at sa sariling bayan. Makikita ito sa mga rally, kilos protesta, pagpapahayag ng hindi pagsang-ayon sa mga gawain ng pamahalaan, sa pamamagitan ng social media. Nais ko lamang bigyang linaw ang layunin ng mga gawaing aking nabanggit, na madalas ay naiisip ng karamihan bilang negatibong gawain. Isinasagawa ang mga gawaing ito upang makapaghatid ng mensahe sa pamahalaan. Isang mensaheng binubuo ng mga boses na hangad lamang ang kabutihan ng bayan at hindi ng sarili. At ang lahat ng ito ay nagagawa sa pamamagitan ng paggamit ng wika. Wika na taglay ang katangiang makapagbuklod at gumising sa damdaming nasyonalismo ng ating mga kapwa.

Aking napagtanto ang mga sumusunod habang isinusulat ang blog na ito:

Una, walang masama sa paggamit ng wikang Ingles o anumang pandayuhang wika. Ito ay kung ang layunin sa pag-aaral at paggamit ng pandayuhang wika ay upang mapaunlad ang ekonomiya, para maiangat ang isang bansa. Ngunit, kinakailangan pa rin ang pagbibigay ng pantay o higit pa na pagpapahalaga at importansya sa sariling wika ng sa gayon, ay hindi mawala ang pagkakakilanlan at mahubog ang nasyonalismo sa bawat mamamayan. Karagdagan pa rito, ay upang patuloy na maipasa ang kultura at kinagawian ng lipunan sa mga susunod pa na henerasyon.

Ikalawa, ay ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang wikang ginagamit ng lahat ng mamamayan sa isang bansa o wikang panlahat. Dito sa Pilipinas, mayroon tayong iba’t ibang wika na ginagamit. Para sa akin, ang pagkakaroon ng iba’t ibang wika sa pagitan ng mga mamamayan ng iisang bansa ay maaaring maging balakid sa pag-unlad dahil sa kawalan ng pagkakaunawaan. Kaya naman, mahalaga na ating paghusayan ang paggamit ng wikang Filipino. Kailanman ay hindi ko inisip na higitan ng wikang Filipino o ng Tagalog, ang ano pa mang wika o dialektong ginagamit sa iba’t ibang lugar sa bansa. Bagkus, hangad ko lamang ang epektibong komunikasyon at mablis na pagkakaunawaan sa pagitan ng mga Pilipino upang mapabilis ang pag-unlad ng bansa.

At panghuli, sa pamamagitan ng wastong paggamit ng wika, mas lalo nating binibigyang importansya at ipinagtitibay ang ating wika. At sa pagpapatibay ng ating wika, pinapakita natin ang ating labis na pagmamahal at pagtangkilik sa ating inang bayan.

Sa aking opinyon, maganda na ating gawing halimbawa ang ginawa ng Singapore pagdating sa kanilang sistema ng edukasyon. Ito ay makatutulong sa atin na palaguin ang ating ekonomiya na siyang magiging paglago rin ng bansa. Ngunit mahalaga rin na huwag kalimutan ang paggamit at pag-aaral ng sariling wika. Dahil ang pinakamabisang solusyon sa problema na kinakaharap ng ating bansa, ay ang pagtutulungan ng lahat ng mamamayan na sugpuin ito. At ito ay mangyayari lamang kung ang bawat isa sa atin ay nagkakaunawaan. Kaya paghusayin natin ang paggamit ng ating sariling wikang Filipino. Sa ganitong paraan lamang natin tunay na maipapakita ang ating pagmamahal sa ating inang bayan.

Mga Sanggunian

[Digital image]. (n.d.). Kinuha sa https://www.esquiremag.ph/long-reads/notes-and-essays/buhay-pa-nga-ba-ang-wikang-filipino-a1961-20170814-lfrm

Dixon, L. (n.d.). The Bilingual Education Policy in Singapore: Implications for Second Language Acquisition. Kinuha sa http://www.lingref.com/isb/4/047ISB4.PDF

GMANEWS. (2014, November 04). SONA: Facebook page na wikapedia, layong ipaalala ang tamang paggamit ng wikang filipino. Kinuha sa https://www.youtube.com/watch?v=O4oRB_2LtQ4

Kwang, H. (2017, July 22). Is Singapore’s identity less clear today? Kinuha sa https://www.straitstimes.com/opinion/is-singapores-identity-less-clear-today

Phang, R. (n.d.). The Singapore Brain Drain: Not funny when you think about it. Kinuha sa https://medium.com%2F@medium.com/@royphang/the-singapore-brain-drain-not-funny-when-you-think-about-it-ab92b13d8f5f#.kmnacjeaj

Santos, B. (n.d.). [Digital image]. Kinuha sa https://www.philstar.com/headlines/2018/11/19/1869914/deped-korean-other-foreign-languages-wont-replace-filipino-subject

Tan, N. (2014, August 15). Policies on the use of the Filipino language. Kinuha sa https://www.rappler.com/newsbreak/iq/policies-filipino-language

Unlisted. (2019, September 27). National Literacy Month: UN ranks Filipinos as most literate in Southeast Asia. Kinuha sa https://www.philstar.com/lifestyle/on-the-radar/2019/09/27/1955462/national-literacy-month-un-ranks-filipinos-most-literate-southeast-asia

--

--

Joefre Ivan Leviste
0 Followers

Mag-aaral ng Far Eastern University na may kursong BS in Medical Technology